Mag-ama inutas sa piyesta

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang mag-ama habang nasugatan ang dalawa nilang kaanak matapos na sila ay pagbabarilin sa isang piyesta kamakalawa ng gabi sa Isla Pulo, Talisay, Batangas.

Ang mag-amang nasawi ay kinilalang sina  Estelito Martinez, 54, at anak nitong si Jaycee, 29.

Nilalapatan naman ng lunas ang kapatid ni Estelito na si Guillermo, 46 at pamangkin na si Justin Martinez, 3-anyos matapos tamaan din ng bala. 

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:00 ng gabi ay abala ang mga biktima sa paghahanda sa kanilang bahay para sa kapiyestahan ng kanilang barangay dahilan sa pagsalubong sa pagpasok ng Bagong Taon.

Habang inaayos ni Estelito ang bombilya ng ilaw sa harapan ng kanilang bahay nang pagbabarilin ng apat na lalaki na sumulpot sa lugar.

Namatay noon din ang mag-ama sa tama ng bala ng M16 rifle at cal. 45 pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

 

Show comments