MANILA, Philippines - Nasawi ang anim katao habang lima ang nasugatan nang magsalpukan ang isang bus at sport utility vehicle sa bayan ng Juban, lalawigan ng Sorsogon noong Linggo ng madaling-araw.
Nabatid mula sa pulisya ng Bicol na lima sa nasawi ay kagagaling lang sa isang relief operation para sa mga biktima ng super Typhoon Yolanda (Haiyan) sa Tacloban City.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina bus driÂver Danilo Montefalcon; SUV driver Rosalito Malig; Alfredo Manansala; Jaime Malabanan; Levy Erasga at Vicente Clarito.
Habang ang mga nasugatan ay sina Ronalyn Dosa; Alvin Ruiz; Angelika Pagasertonga; Boy Navarosa; at Analiza Macapanas.
Batay sa ulat, dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang maganap ang salpukan ng Suzuki SUV (TGO-350) na mula sa Samar at Fortune Bus (UVB-943) na galing sa Maynila sa Sitio Hoyon-Hoyon, Barangay Bacolod ng nasabing bayan.
Ang mga bangkay ay dinala sa Hadoc Funeral para otopsiya habang ang mga nasugatan ay dinala sa Sorsogon Provincial Hospital.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP-Region 5 na pareho umano nawala sa linya ang bus at SUV kaya’t nagsalpukan.