Sky Lantern mapanganib -BFP

MANILA, Philippines - Mapanganib ang pagpapalipad ng sky lantern. Ito ang babala sa publiko ng pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Sinabi ni Engr. Àriel Miranda, hepe ng Fire Safety and Environment ng BFP, bagama’t magandang tingnan ang pagpa­palipad ng sky lantern ay hindi naman batid kung ano ang pinsala nito sa sandaling lumapag sa mga kabahayan.

Ayon kay Miranda, kinokonsidera nilang apoy sa kalawakan ang sky lantern na kaila­ngang bantayan sa sandaling paliparin dahil kapag nasa itaas na ito ay mahirap ng kontrolin kapag nilipad ng hangin.

Anang opisyal, dalawang malaking sunog sa Metro Manila noong 2012 na pagsalubong sa bagong taon ay sanhi ng sky lantern.

Dahil dito, kaya ipinagbabawal ng BFP ang pagpapalipad ng sky lantern upang maiwasan ang muling pagkakaroon ng sunog.

Bukod sa sky lantern, nagbabala rin ang BFP sa publiko na huwag ng gumamit ng malalakas na uri ng paputok na sanhi rin ng sunog.

Pinapayuhan din ng BFP ang mga mamamayan na maging mapagmasid sa kanilang kapaligiran at bahay, partikular sa mga bagay na nakasindi sa loob ng kanilang taha­nan na maaring pagsimulan ng pagsiklab ng apoy.

Base sa rekord ng BFP tumataas ang insidente ng sunog kapag sumasapit ang pagdiriwang ng bagong taon na halos sabay-sabay nagaganap.

Gayunman, handa na umano ang mga kagawad ng pamatay sunog at kanilang mga firetruck upang rumesponde sa anumang tawag na kanilang matatanggap na kaila­ngan ang kanilang serbisyo.

Ang hotline ng BFP ay 426-3812 na maaa­ring tawagan ng publiko sa sandaling may nangyaya­ring sunog sa kanilang lugar upang agad na maapula ito at hindi na makapinsala pa.

Show comments