MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 53 kilo na mga pulbura at kemikal sa paggawa ng iligal na paputok ang nasamsam sa isang bahay na ikinadakip ng tatlong suspek kamakalawa ng gabi sa Imus City, Cavite.
Sa ulat, dakong alas-8:00 ng gabi nang lusubin ng mga otoridad ang bahay ng mga suspek na si Percival Topacio at magkamag-anak na sina Elmer at Conrado Saliva sa Brgy. Malagasang 1B.
Nasamsam din ang nasa 150 iba’t ibang klase ng paputok na handa nang ibenta at nasa libong hindi pa natatapos na paputok tulad ng ipinagbabawal na piccolo, plapla at time bomb.
Nabatid din walang permit ang mga suspek sa pagbebenta ng mga paputok lalo na sa paggawa ng mga ito. Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang tatlong suspek.