Karambola sa kalye: 7 patay

MANILA, Philippines - Dalawang magkahiwalay na aksidente ng mga sasakyan sa highway ng Nasugbu, Batangas ang naganap na ikinasawi ng 7 katao at pagkasugat ng 8 iba pa noong Biyernes.

Sa ulat ng Batangas Police, dakong alas-2:50 ng madaling-araw nang  maitala ang unang insidente nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng 16 wheeler truck (RNB-881) na nahulog sa bangin  sa Brgy. Aga sa bayang ito.

 Dito ay nasawi ang truck driver na si  Rowel Santos at ang dalawa nitong pahinante na sina LJ Gulila at Alvino Gulila; mga residente ng Porac, Pampanga na pawang nagtamo ng mga grabeng sugat sa katawan.

Batay sa ulat, puno ng kargang buhangin ang nasabing truck mula Porac, Pampanga at patungong Calaca, Batangas nang mawalan ng kontrol sa manibela si Santos sa pakurbadang highway sa lugar bunsod upang sumalpok sa poste ng kur­yente at mahulog sa ba­ngin na agad na ikinasawi ng tatlo.

Bandang alas-3:30 naman ng hapon nang maganap ang karambola ng 18 wheeler truck at anim  pang behikulo sa nasabi ring lugar na ikinasawi naman ng apat pang katao habang walo naman ang sugatang isinugod sa pagamutan.

Kinilala ang mga nasawing sina Christopher Delaun, mga pahinanteng sina Celedonio Kasilig, Charlie Fermin at isa pang kasamahan ng mga ito na inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Sa ulat, kasaluku­yang bumabagtas sa lugar ang nasabing truck na may kargang 20 tonelada ng metal nang humiwalay ang hulihang bahagi ng back load ng truck na gumulong sa unahan na ikinaipit ng driver nito at mga pahinante.

Sinalpok din ng nasabing truck ang isang Ford Expedition (UGQ 772), Toyota Hi-Ace Grandia (VFH -386), dump truck (REP -528),

Ford Ranger (PO1 -518), isang tricycle at isang closed van na nagkataong nasa lugar.

Dito ay nasugatan ang walang katao na mabilis na isinugod sa Wes­tern Batangas Hospital, Apacible Memorial Hospital at iba pang pagamutan para malapatan ng lunas.

 

Show comments