MANILA, Philippines - Pinagbabaril ng apat na lalaki na pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang naka-on leave na Army Sergeant sa basketball court ng Brgy. Tubel, Allacapan, Cagayan kamakalawa ng hapon.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Sgt. Edimar Binuya, miyembro ng Army’s 17th Infantry Battalion.
Binatikos ni Major Emmanuel Garcia, Chief ng 1st Civil Military Operations (CMO) Group ng AFP Northern Luzon Command ang pangyayari dahilan sa umiiral na 26 araw na tigil putukan na idineklara ng pamahalaan sa hanay ng NPA rebels mula Disyembre 20 ng hatinggabi hanggang Enero 15 ng susunod na taon.
Nabatid sa ulat, nakabakasyon at katatapos lamang maglaro ng basketball ang biktima dakong alas-4:45 ng hapon sa gymnasium ng Brgy. Tubel nang bigla na lamang bumunot ng baril ang tatlong lalaking rebelde at isang amasona at pinagbabaril ang biktima na nasapul ng mga tama ng bala sa katawan.