Dating kinatawan ng shipping firm pumalag sa PPA

MANILA, Philippines - Isang dating kinatawan ng shipping company ang pumalag sa umano’y panggigipit sa kanya ng pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) na naging dahilan ng pagkakasibak niya sa trabaho at pagkalusaw ng kanyang maliit na negosyo sa Vitas Terminal sa Tondo, Manila.

Personal na hu­mingi ng tulong sa media si Rudy Chan, dating kinatawan ng Whales Shipping Corporation makaraang sibakin siya bilang kinatawan ng naturang kompanya matapos ang umano’y panggigipit na ginawa sa kanya kaugnay sa inokupa niyang maliit na bahagi ng lupaing pag-aari umano ng National Hou­sing Authority (NHA).
Nagsimula umano siyang pag-initan ng PPA nang magtayo siya ng maliit na negosyo ng scrap metal at gamitin ang bahagi ng lupang pag-aari umano ng NHA, malapit sa Pier 18. 

Binigyan aniya siya ng taning ng hanggang Nobyembre 30, 2013 upang umalis at bakantehin ang lote kung wala siyang maipapakitang dokumento, Depensa ni Chan, pansamantala lamang ang pag-okupa niya sa lote lalo na’t siya ang namamahala at nag-aasikaso sa  regular na pag-angkla ng ilang gebara o barge sa naturang lugar at nakahanda siyang makipag-ugnayan sa NHA para sa pag-okupa sa lugar.

Hiniling din ni Chan sa kanyang liham kay Clarissa Ignacio, Port Manager ng Port Ma­nagement Office (PMO) sa North Harbor ang kopya ng memorandum of agreement ng tanggapan na magpapatunay na sila ang may karapatan sa naturang lupain at hindi ang NHA.

Sa kabila ng kanyang kahilingan, iginiit pa rin ng PMO  na nabigo si Chan sa hinihingi nilang dokumento na magpapatunay na binigyan siya ng karapatang okupahin ang lugar at inatasan na bakantehin na kaagad ang inokupang lote.

Ayon kay Chan na sa halip na kampihan siya ng pinaglilingkurang kompanya ay sinibak siya bilang kinatawan at ipinalit sa kanya si Jose Lepiten.

 

Show comments