Rider inabangan, itinumba

MANILA, Philippines - Malaki ang hinala ng pulisya na inabangan ng hindi pa kilalang suspek ang isang 29-anyos na biktima na lulan ng motorsiklo dahil nang dumaan ito ay bigla na lamang binaril naganap kamakalawa sa Brgy.Sampaloc 4, Dasmariñas City, Cavite.

Ang nasawi na nakilala sa pamamagitan ng ID na nakuha sa kanyang katawan ay si Vicente Constante Jr., residente ng Narra St., Brgy. Kayquit Indang, Cavite.

Sa salaysay ng isang barangay tanod, dakong alas-11:45 ng gabi nang makita niya na dumaan ang biktima na lulan ng motorsiklo at ilang minuto ang nakalipas ay narinig niya ang putok ng baril.

Agad nitong pinuntahan ang pinanggalingan ng putok at dito ay nakita niya ang biktima na nakabulagta at duguan.

Sa pagresponde ng pulisya ay narekober sa lugar ang tatlong basyo ng bala ng kalibre 45 baril, motorsiklo na Yamaha na kulay asul na walang plaka at isang plastic sachet ng shabu.

Show comments