MANILA, Philippines - Muli na namang sumipa ang presyo ng petrolyo nang muling magpatupad ng taas presyo ang mga kumpanya ng langis kahapon ng umaga.
Kahapon ng alas-6:00 ng umaga nang simulang ipatupad ang dagdag presyo ng Petron Corporation, Pilipinas Shell, Phoenix Petroleum at PTT Philippines ng pagtataas ng P0.30 kada litro sa diesel. Nagtaas rin ang Shell at Petron ng P.55 sa kada litro ng kerosene.
Hindi naman kasama sa pagtataas ng Petron at ng Shell ang mga lugar sa Visayas na tinamaan ng bagyong Yolanda.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay unang nagpatupad ng P1.35 kada litrong pagtaas sa diesel at P0.35 sa gasolina ang nasabing mga kompanya.
Ganun din ang big time price hike rin sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) naman ang ipinatupad nang itaas ng P14.30 kada kilo o P157.30 kada 11-kilong tangke.
Nagtaas din ng presyo ang kompanya sa Auto LPG ng P7.99 per liter.