MANILA, Philippines - Tatanggap ng tig-P220,000 bilang kaukulang benepisyo ang pamilya ng 7 Pinoy workers na nasawi sa Yemen bombing kamakailan.
Ito ang inihayag ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Carmelita Dimzon dahil sa miyembro ng OWWA ang pitong Pinoy na nasawi.
Ang nasabing halaga ay death at burial benefits ng isang overseas Filipino worker na napaslang habang nasa trabaho sa ibang bansa at nakatalang OWWA member.
Bukod dito ang pamilya ng mga nasawi ay maaari ring i-avail ang Education and Livelihood Assistance Program (ELAP) ng ahensya bilang scholarship grant para sa mga kuwalipikadong dependent o anak ng mga napaslang na OFWs o kung walang asawa ay mga kapatid.
Nag-aalok din ang OWWA ng livelihood assistance na nagkakahalaga ng P15,000 para sa asawa ng nasaÂwing OFWs.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) posibleng bago mag-Pasko ay maiuwi na ang mga labi ng mga biktima.