MANILA, Philippines - Binaril at napatay ang isang lasing na lalaki matapos siyang i-text ng hindi pa nakikilalang suspek sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Ronidel Bautista, 28-anyos, ng B. Caseñas St., Brgy., Tangos sa lungsod.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, natutulog na ang biktima sa loob ng bahay nito nang magising dakong alas-2:30 ng madaling araw nang tumunog ang cellular phone.
Nang mabasa ang mensahe, nagmamadaling bumangon at lumabas ng bahay si Bautista at pumunta sa Roldan St., pero isang lalaki ang lumapit at nakipag-usap sa kanya bago pinagbabaril.
Inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman sa iligal na droga na talamak sa naturang lugar ang naganap na krimen.