DND, may ‘K’ mag-disqualify ng mandarayang bidders

MANILA, Philippines - May karapatan at naaayon sa batas ang desisyon ng Department of National Defense-Bids and Awards Committee (DND-BAC) na i-disqualify ang Kolon Global Corporation na sumablay sa post qualification requirements kaugnay sa bid nitong mag-supply ng 44,080 pirasong armor vests na natuklasang mababang uri at substandard.

Ayon sa precedent-ruling ng Supreme Court sa Commission on Audit vs. Link Worth Intl. (G.R. No. 182559, 13 March  2009), “Ang layunin ng post-qualification ay beripikahin, siyasatin at subukin kung ang technical specifications ng produktong iniaalok ay nakatugon sa pangangailangan ng kontrata at bidding documents. Hindi pinahihintulutan dito na ang procu­ring entity ay magpasiya na balewalain ang mga requirements na isinaad nito bilang mahalagang bahagi ng produktong ipina-bid nito.”

Inihalimbawa ng DND-BAC na  kung nagpa-bid ang gobyerno ng isang kilong bigas at natuklasan sa post qualification na ang produkto ng nanalong bidder ay 999 gramo lamang, may karapatan ang nagpa-bid na i-disqualify ito dahil dapat na eksaktong isang kilo ang produkto batay sa estriktong pagpapatupad ng Republic Act No. 9184 (Phil. Govt. Electronic Procurement Services Act).  Ano mang kabawasan ay agad-agad na malinaw na bagsak sa “Pass-Fail Criteria” na sinusunod sa post-qualification standards.

Ayon naman kay Neil H. MacBride, U.S. attorney for the Eastern District of Virginia, nasangkot ang Kolon sa ilegal na sabwatan mula noong 2002 hanggang 2009 para nakawin ang ‘trade secrets’ ng DuPont sa paggawa ng Kevlar bullet-proof vests.

Pinagkalooban ng Richmond Court ng danyos (punitive damages) na $920 milyon ang DuPont at pinagbawalan din ang Kolon na magbenta sa Amerika ng Heracron vests nito na kakumpentensiya ng Kevlar sa loob ng 20 taon matapos umamin ang consultant ng South Korean firm na si Michael Mitchell na nagbigay ito ng trade secrets ng DuPont.

Hiniling din ng DuPont sa Richmond Court na ipa-extradite ang limang opis­yal ng Kolon para malitis sa Amerika at mahatulan tulad ni Michell.

 

Show comments