2 holdaper todas sa shootout

MANILA, Philippines - Todas ang dalawang holdaper makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa Naic-Indang Provincial Road, Brgy. Calubcob, Naic Cavite, kamakalawa ng hapon.

Isa pa lamang sa dalawang suspek ang nakilala ng pulisya na si Arnold Bellesa Sr. residente ng Cabagnaan, La Castillana, Negros Occidental base sa PhilHealth and NAD Partylist ID na nakuha mula sa kanya.

Batay sa imbestigasyon ni PO1 Mark Allan Arcusa, may hawak ng kaso, dakong alas-2:00 ng hapon ng maganap ang shootout.

Ayon kay Arcusa, bago maganap ang barilan ay hinoldap umano ng dalawang suspek ang isang bumbay na nakilalang si Chatar Singh, 35, residente ng #45 Zamora St., Mendez Cavite.

Sinasabing tinutukan ng baril ng dalawang suspek ang bumbay at sapilitang tinangay ang  dala nitong pera, cellphone at motorsiklo.

Agad namang nagsumbong sa pulisya ang biktima kaya isinagawa ang manhunt operation hanggang sa makita ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo na  pag-aari ng bumbay.

Tinangka umano ng mga awtoridad na patigilin ang mga suspek pero agad silang pinaputukan kaya nagkaroon ng running-gun-battle hanggang sa makorner sa Naic Provincial road sa Brgy. Calubcob at nagresulta ng kanilang kamatayan.

Nabawi mula sa dalawang napatay na holdaper 1 cal. 38 baril at 1 cal 9mm pistol, gayundin ang motor at kagamitan ng bumbay.

Show comments