Radio commentator bulagta sa tandem

MANILA, Philippines - Namatay noon din ang isang hard hitting radio commentator/broadcaster nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng isang motorsiklo sa madilim na bahagi ng highway sa Valencia City, Bukidnon kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Joas Dignos, 57, isang hard hitting commentator/broadcaster ng DXJT “Radyo Abante” na nakabase sa Maramag, Bukidnon na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa inisyal na im­bestigasyon ng pulisya, dakong alas-9:30 ng gabi ay kasalukuyang nag­lalakad sa madilim na bahagi ng Sayre Highway ang biktima sa labas ng CAP Building sa lungsod nang lapitan ng riding-in-tandem gunmen at pinagbabaril.

Nagsilbi namang lookout ang dalawa pang kasamahan ng mga ito na sakay din ng motorsiklo.

Ayon sa mga testigo, nagawa pang  tumakbo ng biktima sa kaniyang behikulo, subalit hinabol ito ng dalawa sa apat na mga suspek at muling pagbabarilin bago mabilis na tumakas.

Ayon sa pamilya ng biktima na nakakatanggap na ito ng mga death threat mula sa hindi nagpakilalang mga texters at callers na hinihinalang may kinalaman sa ma­tinding pagbanat nito sa radyo ukol sa illegal gambling at illegal drugs na aktibidades ng mga sindikato sa lungsod.

Kinondena naman ng National Union of Journalist in the Philippines (NUJP) ang insidente sa pagsasabing katatapos lamang ng paggunita kamakailan sa ikaapat na taong anibersaryo ng Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2013 kung saan 32 sa 57 kataong brutal na pinaslang ay miyembro ng media.

Nabatid na ang biktima ay ika-19 na pinaslang na mediamen sa ilalim naman ng administrasyon ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

 

Show comments