MANILA, Philippines - Sinampahan ng Department of Justice ng kasong malversation, graft at bribery ang 34 na indibidwal kabilang na si dating Muntinlupa congressman na ngayon ay Customs chief Rozzano Rufino Biazon, sa pagkakasangkot ng mga ito sa P10 bilyon pork barrel scam.
Ito ang inihayag sa press briefing ni Justice Secretary Leila de Lima na ang 34 indibidwal ay kabilang ang 7 dating congressmen, 2 representatives o ahente ng congressmen, 3 hepe ng implementing agencies, 2 pangulo ng non-goÂvernment organizations na nag-uugnay sa negosyanteng si Janet Lim Napoles, 7 opisyal at kawani ng implementing agencies at 12 auditor ng Commission on Audit.
Si Napoles, na umaÂno’y utak ng pork barrel scam ay kasama rin sa second batch na kinasuhan sa PDAF scam.
Ang 7 dating congressmen na kasama sa second batch ng mga cases ay sina Biazon, Salacnib Baterina, Douglas Cagas, Mark Douglas Cagas IV, Arrel Olano, Arthur Pinggoy Jr. at Rodolfo Valencia.
Ang dalawang representatives congressmen na kasama rin sa kaso ay sina congresswoman Zenaida Cruz Ducut at Celia Cuasay.
Ayon kay De Lima na si Biazon, Baterina at Douglas Cagas ay nagbigay ng pondo ng kanilang pork barrel sa Philippine Social Development Foundation, Inc. (PSDFI), isang NGO na may kaugnayan kay Napoles.
Ang mga dating mambabatas ay hindi kinasuhan ng plunder dahil ang halaga ng salapi na kanilang ibinigay sa pekeng NGO ay hindi umabot sa P50 milyon.
Ang umano’y kickback ng mga mambabatas ay ang mga sumusunod: Baterina (P7.5 milyon); Biazon (P1.95 milyon); Douglas Cagas (P9.3 milÂyon); Mark Cagas (P5.54 milyon); Olano (P3.1 milyon); Pinggoy (P7.5 milyon);Valencia (P2.41 milyon).
Ayon pa kay De Lima na si Biazon na ang bahalang magdesisyon kung siya ay magbabakasyon muna sa Bureau of Customs. Kailangan pa ng Ombudsman na magsagawa ng imbestigasyon sa isinampang kaso.
Si Biazon ay miyembro ng Liberal Party ni President Aquino.
Magugunita na ang unang batch na kinasuhan ng plunder ay nasa 39 indibidwal kabilang na sina Senators Juan Ponce Enrile; Bong Revilla at Jinggoy Estrada.