MANILA, Philippines - Gagastos ang pamahalaan ng P825 milyon para sa pagbili ng iba’t ibang uri ng contraceptives para sa susunod na taon.
Subalit, ito ay kinuwestyon ni Senator Tito Sotto dahil sa mas mataas ng P625 milyon sa budget ngayong 2013 na nasa P200 milyon lamang.
Sa pagdinig ng budget ng Department of Health (DOH) para sa 2014, kinuwestiyon ni Sotto ang biglang pagtaas ng budget ng gobyerno para lamang sa contraceptives lalo pa’t nasilip ng Commission on Audit ang kawalan ng bidding para sa pagbili ng mga ito.
Sa nabanggit na P825 milyong pondo, mahigit sa P500 milyon ay ilalaan para lamang sa oral contraceptives.
Ang nakakabahala aniya, mismong ang World Health Organization (WHO) ang nagsabi na nakaka-cancer ang combined estrogen-progestogen contraceptives at maging ang combined estrogen-progestogen hormonal menopausal therapy na kabilang sa bibilhing contraceptives ng DOH.
Base sa isinagawang pag-aaral tumataas ang ‘risk’ na magkaroon ng liver at breast cancer ng mga gumagamit ng pills o oral contraceptives.
Ayon naman kay SeÂnator Teofisto Guingona, ang nagtanggol ng budget ng DOH, wala pa namang matibay na ebidensiya na magpapatunay na nakakapagdulot ng cancer ang mga pills na ginagamit ng mga babaeng ayaw ng magka-anak o nagpa-plano ng pamilya.
Idinagdag pa ni GuinÂgona na ang mga kababaihan ang nagde-desisyon kung anong uri ng contraceptives ang nais nilang gamitin.