Tanod, tinodas habang naglalakad

MANILA, Philippines - Todas ang isang barangay tanod makaraang patraydor na barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek habang ang biktima ay naglalakad sa Tondo, Maynila, kahapon ng hapon.

Ang biktima ay kinilalang si Rodrigo Leuterio, 45 anyos, residente ng #227 Mabagos St., Tondo, Maynila at tanod sa Brgy. 30, Zone 2, District 2.

Inaalam pa ang pagkilanlan ng tumakas na suspek na inilarawan sa edad na 35-40, nakasuot ng kulay gray na t-shirt at maong na shortpants.

Sa ulat ni SPO2 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:15 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa biktima sa Road 10 at Zaragosa St., Tondo.

Sinasabing naglalakad ang biktima nang lapitan siya at barilin sa ulo ng suspek. Hindi pa alam ng mga awtoridad ang motibo ng krimen.

 

Show comments