Tandem lasog sa bus

MANILA, Philippines - Nakalasog-lasog ang katawan ng dalawang binata na riding-in-tandem makaraang salpukin ng rumaragasang mini bus ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Noveleta, Cavite kamakalawa ng gabi.

Ang dalawang biktima ay kinilalang sina Ariel Bargamento, 26, at Arsenio Juanite Jr., 41, kapwa residente ng Grand Riverside Subd., Pasong Camachile, General Trias, Cavite.

Arestado naman sa mga awtoridad ang 25-anyos na driver ng mini bus na si Gary Arnaiz, nakatira sa Samonte Park, Cavite City.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-9:50 ng gabi sa national road ng Noveleta, Cavite.

Sinasabing nag-overtake ang mga biktima sa isang pribadong sasakyan at hindi napansin ang mabalis na pagdating ng mini bus kaya nagkaroon ng salpukan.

Tumilapon ang mga biktima nang masapol ng bus na nagresulta ng kanilang kamatayan.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang driver ng bus na ngayon ay nakakulong sa detention cell ng Noveleta police station.

 

 

Show comments