‘Special purpose fund’ bantayan Palit sa PDAF...

MANILA, Philippines -Dapat na bantayan ng taumbayan ang malaking lump sum fund sa ilalim ng pambansang pondo, matapos ideklara ng Supreme Court na labag sa batas at unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.

Ayon kay dating National Treasurer Leonor Briones, lead convenor ng Social Watch Philippines,  dapat na batayan ang “Special Purpose Fund” na  itinuturing na “mother fund” ng pork barrel. 

Hindi umano dapat na maging kampante ang taumbayan sa deklarasyong ilegal ang PDAF at sa halip  ay dapat na  busisiin ang bawat pondo ng  pamahalaan.

Umaabot anya sa ha­lagang P310 bilyon ang kabuuan ng special purpose fund kung saan nakapaloob ang pork barrel ng mga mambabatas. Kung ibabawas umano ang P25-bilyon  pondo para sa PDAF, lalabas na may natitira pang P285-bilyon sa special purpose fund na kontrolado ng ehekutibo at inilalabas lamang kapag may pag-apruba ng Pangulo ng bansa. 

Ipinaliwanag ni Briones na ang lump sum fund ay pondong walang de­talye kung paano at saan gagastusin. Ang special purpose fund ay kinabibilangan ng budgetary support sa mga state-owned corporations, alokasyon para sa mga lokal na pamahalaan, calamity fund, contingent fund, DepEd school building program, E-government fund; International Commitments Fund, miscellaneous personnel be­nefits fund, pension and gratuity fund at feasibility studies fund.

Show comments