MANILA, Philippines - Bumanat muli ang mga pinaghihinalaang bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) makaraang dukutin ang isang provincial treasurer sa Brgy. Bangkala, Patikul, Sulu nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ni Col. Jose Johriel Cenabre, 2nd Marine Brigade at Task Force Sulu Commander ang binihag na biktima na si Jesus Cabilin, 54 anyos, Provincial treasurer ng lalawigan.
Bandang alas-6:45 ng gabi ng bigla na lamang sumulpot sa bisinidad ng quarter na tinutuluyan ng biktima sa capitol site, Brgy. Bangkala, Patikul ang mga armadong bandido at sunggaban ang opisyal.
Agad namang natukoy na kabilang sa dumukot sa bihag ay ang grupo nina Ninok Sappari at Julli Ikit; pawang mga sub-commander ng mga bandido na nago-operate sa lalawigan.
Walang nagawa ang biktima matapos na tutukan ng baril at puwersahang kaladkarin ng mga kidnapper pasakay sa isang kulay dilaw na Tamaraw jeepney na tumahak patungo sa direksyon ng Brgy. Danag sa nasabi ring bayan.