Nang-agaw ng asawa, pinatay

MANILA, Philippines - Pinagsasaksak ng isang pintor ang pedicab driver na umagaw sa kanyang dating misis kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Ang biktima na idineklarang dead on arrival sa Pasay City General Hospital ay nakilalang si Jherry Corpuz, 38, ng no. 053 Electrical Road, ng lungsod dahil sa tinamong malalim na saksak sa likod.

Agad namang naaresto ang suspek na si Ronnie Planas, 41, ng no. 591 Sitio San Dionisio, Olivarez Compound, Parañaque City.

Sa ulat, alas-9:30 ng gabi ay sakay ng kanyang pedicab at naghihintay ng pasahero si Corpus sa kanto ng Electrical Road at Andrew Avenue nang sumulpot buhat sa likuran ang suspek at patraydor na tinarakan ng patalim sa likod.

Tinangka pang tumakas ang suspek ngunit agad na nasakote ito ng mga humabol na barangay tanod.

Sa salaysay ng kapatid ng biktima na si Rodrigo Corpus, posibleng selos o paghihiganti ang dahilan ng krimen dahil sa kasalukuyang ka-live-in ng biktima ang dating asawa ng suspek.

Show comments