MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang masayang kuwentuhan ng anim na magkakapitbahay matapos na sila ay pagbabarilin ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Namatay habang ginagamot sa Fatima Hospital ang mga biktimang sina Virgilio Mariano, 56 at Samuel Pasto, 23, kapwa taga-University Avenue, Barangay Potrero ng lungsod na nagtamo ng mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Malubha namang nasugatan sa tama ng bala ang apat na biktima na sina Jesusa Tan, 46; Cecile Tupaz, 31; Rodrigo Mendoza, 50 at Teofilo Angeles Jr., 34, pawang mga residente ng naturang lugar.
Sa ulat, dakong ala-1:00 ng madaling-araw ay nagkukuwentuhan ang mga biktima sa kahabaan ng University Avenue, Barangay Potrero nang dumating ang isang motorsiklo na kinalululanan ng dalawang lalaki at nilapitan ang mga biktima at pinagbabaril.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung ano ang motibo nang pamamaril at sino ang mga suspek.