MANILA, Philippines - Maaaring nakonsensiya ang isang 44-anyos na mister sa pagpatay niya sa kanyang misis kamakailan kung kaya’t nang ito ay dalhin sa hall of justice sa Las Piñas para basahan nang sakdal ay nagpumiglas ito at tumalon na nagresulta ng kanyang kamatayan kahapon ng umaga sa nasabing lungsod.
Ang nasawi ay nakilaÂlang si Siegfred Cabunoc, ng Block 11, Lot 7, Onyx St., Pilar Village, ng lungsod at pinsala sa buong katawan at pagkakabagok ng ulo.
Nabatid na ini-eskortan si Cabunoc ni PO2 Al Sharrif Uy sa prosecutor’s office upang isailalim ito sa inquest proceedings dahil sa kasong parricide.
Nagpipiglas ang suspek at itinulak si PO2 Uy saka tumalon buhat sa ikatlong palapag ng gusali na sanhi ng kanyang kamatayan.
Unang nadakip si Cabunoc noong Miyerkules ng gabi makaraang ituro ng mga testigo na ito ang pumatay sa misis na si Daisy Cabunoc, 54, noong nakaraang linggo na ang bangkay ay natagpuan noong Lunes ng umaga sa bakanteng lote sa Brgy. Manuyo I, na tadtad ng tama ng saksak sa katawan.
Inimbitahan naman ng mga pulis si Cabunoc para kilalanin ang bangkay ng misis sa morgue at dito ay itinuro ni Gladys San Jose ang suspek na pumatay sa kanyang kapatid.
Hindi na ito nakatanggi sa krimen nang apat pang testigo ang lumutang at sabihin na huli nilang nakita si Daisy na buhay noong nakaraang linggo habang nagkakaroon ng away ang mag-asawang Cabunoc sa loob ng kanilang bahay.