MANILA, Philippines - Napatay ng mga sundalo ang dalawang lider ng New People’s Army (NPA) nang ambusin ng mga ito ang truck ng Army na may dalang relief goods para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Batay sa ulat, dakong alas-5:25 ng umaga nang ambusin ng mga NPA rebels ang convoy ng mga sundalo na may dalang relief goods para sana sa isasagawang humanitarian mission sa Tacloban City.
Nabatid na ini-eskortan ang mga relief goods na ihahatid sa mga biktima ng super typhoon Yolanda sa Leyte at Samar na isasakay sa barko sa pier ng Matnog, Sorsogon.
Subalit, nakaalerto ang tropa ng Army’s 31st Infantry Battalion, 96th Military Intelligence Company (MICO) at 22nd Infantry Battalion na nagsagawa ng security/combat operations sa lugar na dadaanan ng convoy ng relief goods at dito na nasagupa ang may 15 rebelde na nakaposisyon na sa tabi ng highway at tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok na ikinasawi ng dalawang rebelde na kinilala sa mga alyas na Ka Abel at isang alyas Ka Win; pawang mga opisyal ng NPA sa Sorsogon.
Wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng tropa ng pamahalaan.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang tatlong M16 rifle, isang baby armalite, isang M14 rifle, isang cal. 45 pistol at sari-saring uri ng mga eksplosibo.