Nabitawan ng yaya... Beybi nahulog sa cable car

MANILA, Philippines -Binawian habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang 1-anyos na sanggol na babae matapos na mahulog mula sa taas na 15 talampakan nang ito ay mabitawan ng kanyang yaya habang sakay ng cable car sa karnabal sa Tagum City, Davao del Norte, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasa­wing biktima dahil sa internal hemorrhage sa ulo nito at iba pang matin­ding sugat na tinamo sa katawan at pagkabali ng buto na si Allysa Jade Omayao.

Sa ulat, bandang alas-7:00 ng gabi nang suma­kay ang sanggol kasama ang kanyang yaya na tinukoy lamang sa palayaw na Lablab na umano ay nag-alok na aaliwin ang sanggol kaya’t isinakay sa isang cable car ng Mary Rose Carnival sa tabi ng national highway ng lungsod.

Sa hindi inaasahang pangyayari ay aksidenteng nabitawan ni Lablab ang sanggol at tuloy-tuloy na lumagapak sa lupa na halos mabasag ang bungo.

Halos matulala naman ang ama na si Edwin Omayao nang mabalitaan ang pangyayari dahil sa mga sumandaling iyon ay bumibili siya ng laruan para sa anak.

Kasalukuyan nang pinag-aaralan ng mga otoridad kung maaring sampahan ng kaso ang may-ari ng karnabal.

Show comments