MANILA, Philippines - Tutuldukan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang matagal nang modus operandi ng mga driver ng aircon taxi na naglalagay ng pampahilo sa mga pasaÂhero upang manakawan o magulangan sa pasahe.
Ang mga modus ng mga kriminal na nagpapanggap na taxi driver ay pahihinaan ng tsuper ang air-conditioning unit ng taxi at tatanunging ang pasahero kung mainit.
Kapag nainitan ang pasahero, magkukusa ang tsuper na palakasin ang buga ng aircon, ngunit walang kamalay-malay ang pasahero na pinahiran ng bimpo na may kemikal pa hanggang sa mahilo o mawalan ng malay ang pasahero.
Hindi umano mahihilo ang tsuper dahil sa nakaawang ang salamin sa bintana ng driver’s seat kaya nakakalanghap ito ng hangin sa labas habang nakatutok naman ang aircon sa biktima sa likuran na kapag nahilo ay uumpisahan nang pagnakawan, momolestiyahin o gagahasain ang pasahero.
Makikipag-ugnayan rin ang MMDA sa LTFRB na siyang nangangasiwa sa prangkisa ng mga taxi sa bansa upang makabuo ng plano at aksyon laban sa mga kriminal na taxi driver.