MANILA, Philippines - Ipinanukala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga alkalde ng 17 lungsod at munisipalidad sa Kamaynilaan na magsagawa ng “earthquake census†sa lahat ng gusali at bahay upang matiyak ang kahandaan sakaling tumama ang isang malakas na lindol.
Ang panukala ng MMDA ay isinulong sa ginanap na Metro Manila Council conference sa Malacañang nitong nakaraang Miyerkules kasama si Pangulong Benigno Aquino III.
Maaaring isagawa ang census kasama ang MMDA, mga tauhan ng National Statistics Office, Department of the Interior and Local Government at maging mga engineering students ng iba’t ibang pangunahing paaralan sa Metro Manila.
Marami umano sa mga gusali at bahay ay nakatayo sa mismong fault line o malapit dito at dapat mabatid ang tibay ng mga istruktura.
Sa naturang pulong, iprinisinta ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOCLS) chief Renato Solidum ang 2013 Geohazard Map ng Metro Manila. Makikita dito ang mga lugar na dinaraanan ng mga fault line ng lindol at mga delikadong lugar.
Binigyan ng kopya ang mga alkalde lalo na ang mga bagong upo sa puwesto upang makabuo ng sarili nilang paghahanda sa posibilidad na pagtama ng kalamidad at maging gabay sa pag-iwas sa pagtatayo ng gusali at ng mga residential areas sa mga fault lines.