Extension hirit ng DFA OFW bibitayin sa Saudi

MANILA, Philippines - Humihirit ngayon ng panibagong extension ang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Saudi government upang masagip sa bitay ang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Joselito Zapanta.

Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, may mga representasyon nang inilatag ang Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa Sudanese Embassy sa Saudi at sa pamilya ng napatay ni Zapanta upang mapakiusapan na magbigay ng panibagong palugit at sapat pang panahon upang makalikom ng 4 milyong Saudi Riyal (SAR) o P45 milyong blood money.

Ito ay makaraang magtapos ang ibinigay na extension na Nobyembre 3 upang maipasa ang nasabing blood money at pinangangambahan na ituloy ang pagbitay anumang oras ngayon.

Bigo ang pamahalaan at pamilya ni Zapanta na maibigay ang nasabing halaga dahil umaabot pa lamang sa SAR 520,831 o P6 milyon ang nalilikom mula sa nasabing halaga.

Bukod sa kahilingan na extension, hinihi­ling din ng Embahada sa pamilya ng Sudanese national na napatay ni Zapanta noong 2009 na mapababa ang halaga ng blood money.

Nauna nang pumayag ang pamilya ng biktima na ibaba sa 4 milyon SAR mula sa dating 5 milyong SAR ang hinihinging blood money.

Ayon kay Hernandez, wala pang arrangement sa DFA kung papupuntahin sa Saudi ang kaanak ni Zapanta bagama’t dalawang beses ng nabigyan ng assistance ng kagawaran upang makapunta sila sa Saudi at personal na umapela sa kaso.

Umapela rin ang DFA sa publiko na magdasal upang magkaroon ng milagro sa misyon ng Embahada na sagipin sa bitay ang nasabing OFW gaya ng kaso ng OFW na si Rodelio “Dondon” Lanuza na nakulong 13 taon sa Saudi dahil sa pagpatay sa isang Saudi national at nakalaya matapos ang pagbibigay ng P32 milyong blood money.

 

Show comments