Ex-Vice Mayor tinodas sa pagwawala

MANILA, Philippines - Isang dating vice mayor ang pinatay nang ito ay barilin ng hindi pa kilalang mga suspek na umano ay posibleng nainis sa walang habas na pagpapaputok ng baril  kamakalawa ng gabi sa San Pascual, Batangas.

Kinilala ang biktima na si Alfredo Aldover, 61-anyos, dating bise alkalde ng bayan ng San Pascual noong 1995.

Batay sa ulat, dakong alas-11:15 ng gabi ay lasing na lasing umano  si Aldover nang walang habas itong nagpa­putok ng baril habang naglalakad sa national road, Brgy. Poblacion, San Pascual.

Lumikha ng takot at pagpapanik sa mga residente ng Brgy. Poblacion ang walang habas na pamamaril ng biktima.

Matapos na tumigil sa walang habas na pagpapaputok nang maubusan ng bala ay bigla na lamang may ilang lalaking bumaril umano dito na nagkukubli sa madalim na bahagi sa lugar.

Nagawa pang maisugod si Aldover sa pinakamalapit na pagamutan pero idineklara na itong dead on arrival.

Lumalabas sa im­bestigasyon na bago ang pagwawala ng biktima ay may isang grupo umano na mga kalalakihan ang nakabangga nito kung saan nagkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo hanggang sa umalis na lamang ang mga nakaaway ng dating opisyal.

Gayunman, pinaniniwalaang isa o dalawa sa mga suspek ang bumalik matapos na saglit na lumisan sa lugar na siyang hinihinalang nasa likod ng pamamaril sa biktima.

Show comments