MANILA, Philippines - Patay ang isang ginang habang isa pa ang sugatan makaraang bundulin ang sinasakyan nilang tricycle ng isang truck sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa ulat ni Senior Insp. Erlito Renegin, hepe ng Quezon City Police Traffic Sector 3, nakilala ang nasawi na si Ana Viroy, 44, habang suÂgatan naman ang driver ng tricycle na si Freddie Gatan, 22, mga residente sa UP Diliman sa lungsod.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver ng truck na si Leonard Ladicho, 37, na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless driving resulting to homicide.
Naganap ang insidente dakong alas-12:25 ng madaling-araw sa kanto ng Carlos P. Garcia at Magiting Street sa Quezon City.
Tinatahak ng truck (LXB-963) ang nasabing lugar patungong Katipunan, habang ang tricycle naman ng mga biktima na nasa likuran ng isang truck na patungong Commonwealth nang bigla umanong mag-overtake kaya sila nabundol.
Dahil sa tindi ng pagkakabundol ay nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang biktimang si Viroy na agad na isinugod sa East Avenue Medical Center, pero idineklara ding dead on arrival maÂkalipas ang ilang oras.