MANILA, Philippines - Inihayag ng Malacañang na ‘all system go’ na ang Commission on Elections (COMELEC) gayundin ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa gaganaping barangay elections sa araw na ito.
Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., ganap ang kahandaan ng COMELEC at ang lahat ng ahensya ng pamahalaan para pangasiwaan ang malinis, maayos, at mapayapang halalan sa buong kapuluan.
“Kinikilala natin ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga gurong bumubuo ng Boards of Election Inspectors na mangangasiwa sa maayos na daloy ng pagboto sa bawat isang presinto at ng mga mamamayang bumubuo ng mga citizens’ arms na kaagapay din ng COMELEC sa pagtiyak ng maayos na proseso ng halalan,†ani Sec. Coloma.
Sinabi ni Coloma, pangungunahan ng Pangulong Benigno Aquino III ang 54 na milyong botante sa pagpili ng mga mamumuno at maglilingkod sa ating mga barangay.
Nabatid sa COMELEC, nasa 94,124 ang kandidato para sa 42,028 na posisyon ng punong barangay, samantalang 715,012 naman ang kandidato para 294,196 na posisyon bilang kagawad.
Aniya, si Pangulong Aquino ay boboto ngayong umaga sa Central Azucarera de Tarlac Elementary School sa Tarlac City.
Wika pa ng PCOO chief, ang barangay ang batayang institusyon ng ating lipunan at ang bawat mamamayan ay may taya sa resulta ng halalang pambarangay.