MANILA, Philippines - Dedo ang dalawang tirador ng motorsiklo makaraan makipagbarilan sa mga awtoridad sa Quezon City, kahapon ng madaÂling araw.
Sinabi ni Supt. Norberto Babagay, hepe ng Quezon City Police District Station 4, ang dalawang nasawi ay hindi pa nakikilala na sinasabing nanlaban sa kanyang mga tauhan habang sinusubukang pasukuin matapos nilang tangayin ang motorsiklo ng isang biktima.
Ayon kay Supt. Babagay, inawagan ng mga suspek ng motorsiklo ang biktimang si Bayani Marasigan ng Marianito St., Brgy. Gulod Novaliches, Quezon City.
Nabatid na ang insidente ay naganap sa kahabaan ng SB Road, corner Samonte Road sa lungsod, ganap na alas 12:30 ng madaling araw.
Sakay umano ang biktima ng kanyang Honda wave 125cc (4746-MO) nang huminto ito sa nasabing lugar at lapitan ng dalawang suspek saka puwersahang kinuha ang motorsiklo ng biktima.
Mabilis naman nagtungo at nagreklamo sa QCPD Station 4 ang biktima at ipinagbigay alam sa mga awtoridad ang ginawang pagtangay sa kanyang motorsiklo.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operation at Oplan Sita ang mga awtoridad at doon naispatan ang mga suspek na sinasakyan pa nila ang tinangay nilang motorsiklo.
Tinangka ng mga pulis na pahintuin ang mga suspek at sa halip na sumunod ay pinaputukan pa ang mga ito kaya nagkaroon ng running gun battle hanggang sa makorner na nagresulta ng kamatayan ng dalawa.
Nabawi sa dalaÂwang suspek ang inagaw nilang motorsiklo at dalaÂwang kalibre 38 baril na kanilang ginamit sa pakikipagbakbakan sa mga awtoridad.