People’s Initiative suportado ng mga obispo
MANILA, Philippines - Pabor ang mga obispo sa isinusulong na People’s Initiative (PI) ni dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno at ng Movement Against Dynasty o MAD na naglalayong matanggal na ang pork barrel system sa bansa.
Sinabi nina CBCP Permanent Council member Sorsogon Bishop Arturo Bastes at Marbel Bishop Dimualdo Gutierrez na suportado nila ang isinusulong na PI ng dating punong Mahistrado.
Pinaliwanag ni Bishop Bastes na sinusuportahan niya ang hakbangin dahil hindi maaasahan ang mga mambabatas na lumikha ng batas na laban sa kanilang interes.
Tiniyak naman ni Bishop Gutierrez na pangungunahan ng kanyang Diocese ang pangangalap ng lagda para tuluyan ng mawala ang anumang uri ng pork barrel.
Nagpahayag din ng suportado si Kabankalan Bishop Patricio Buzon sa anumang hakbang para i-abolish ng tuluyan ang pork barrel.
Itinuturing ni Bishop Buzon na ugat ng corruption, political patronage at political dynasty ang pork barrel funds.
Inihayag naman ni Diocese of San Carlos administrator Fr. Patrick Daniel Parcon ang boses ng mga taga-San Carlos para sa total abolition ng pork barrel.
Nabatid na kinakailangan ang sampung porsiyentong lagda sa kabuuang registered voters o higit kumulang sa lima punto dalawang milyong lagda at 3-porsiyentong lagda bilang mga kinatawan sa bawat legislative district.
- Latest