Driver binutas ang lalamunan at leeg

MANILA, Philippines - Butas ang lalamunan at leeg ng isang 42 anyos na UV Express driver makaraang dalawang ulit na laslasin ng isang suspek habang ang biktima ay nag-aabang ng pasahero sa Intramuros, Maynila, kahapon ng umaga.

Dead on arrival sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktima na kinilalang  si Noly Dimaculangan, may-asawa at residente ng  #37 Yakal corner Narra Lane, Espiritu Subdivision, Sucat, Parañaque City.

Tinutugis na ang suspek na kinilala lamang sa alyas “Buknoy”.

Sa ulat ni SPO1 Jonathan Bautista, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:45 ng umaga nang maganap ang pananaksak sa paradahan ng UV Express sa panulukan ng Padre Burgos at Anda Sts, sa Intramuros, Maynila.

Sinasabing nakatayo sa tabi ng kaniyang pampasadang sasakyan ang biktima at nagtatawag ng mga pasahero nang bigla siyang lapitan ng suspek at mabilisang sinaksak sa kanang bahagi ng leeg at sinundan kaagad ng saksak sa gitna ng lalamunan.

Nang duguan na ang biktima ay tumakas na ang suspek subalit nagawa pang makatakbo ng ilang metro ng biktima at humingi ng saklolo sa kapwa niya mga driver, kung saan isinugod naman siya ng isa pang UV Express driver na si Roa Willieto sa PGH subalit hindi na umabot ng buhay.

 

Show comments