MANILA, Philippines - Dahil umano sa walang tigil na pagsusuka at pagkahilo kaya isinugod sa Southern Luzon Hospital si pork barrel scam mastermind Janet Lim-Napoles kahapon ng madaling araw.
Sinabi ni PNP Public Information Office Chief P/Sr. Supt Reuben Theodore Sindac, si Napoles ay dinala sa pagamutan bandang ala-1:20 ng madaling araw para maisailalim sa medical checkup .
Ayon kay Sindac, matapos masuri at maresetahan ng gamot ng mga doktor ay ibinalik na muli si Napoles sa detention facility nito sa isang mini bungalow sa loob ng Fort Sto. Domingo, Sta Rosa bandang alas-3:30 ng madaling araw.
Sinasabing lumabas sa inisyal na pagsusuri ay may “stones in the urether,†o bara sa daluyan ng ihi si Napoles.
Samantala, sinabi naman ni Sen. Francis “Chiz†Escudero na hindi uubra sa Senado sakaling magsakit-sakitan si Janet Lim-Napoles.
Ayon kay Sen. Escudero, hindi maaaring pekein ni Napoles ang karamdaman niya dahil maaari naman itong patingnan sa doktor ng Senado at mga doktor ng gobyerno.
Ginawa ni Escudero ang reaksiyon matapos sumama ang pakiramdam ni Napoles at isugod ito sa pagamutan.
Ipinaalala rin ni Escudero na may nakahain ng panukalang batas na nagsasabing dapat magkaroon ng mas mataas na kaparusahan ang sinumang medical professional na magbibigay ng hindi totoong findings.
Pero kung mapapatunayan aniyang maysakit si Napoles, hindi naman ito maaaring pilitin na dumalo sa pagdinig na itinakda sa Nobyembre 7.