Mister pinatay sa tabi ng bahay ng ex-wife

MANILA, Philippines - Binaril at napatay ang isang mister malapit sa bahay ng kaniyang dating misis na may iba nang kinakasama,  sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Pinag-aaralan na rin ng pulisya kung may anggulong ‘love triangle’ ang pagkamatay ng biktima na kinilalang si Ferlito Bural, 28 anyos, nakatira sa #786 Sevilla St., Binondo, Maynila dahil malapit lamang sa bahay ng da­ting asawa nitong si Faustina ito natagpuang patay.

Sa ulat ni SPO3 Rodelio Lingcong  ng Manila Police District-Homicide Section, nabatid na dakong ala-1:30 ng madaling araw nang makita ang bangkay ng biktima sa Masikap at Wagas Sts. Tondo, Maynila.

 Hindi naman tiyak kung posibleng suspek ang di pa pinangalang bagong live-in partner ni Faustina, habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya.

Isa sa nakalap na maaaring pagbatayan ang regular pa umanong pag-uusap ng biktima sa nakahiwalayang misis, kahit may iba na itong kinakasama, na posibleng maging dahilan ng selosan.

Wala pa ring makuhang testigo para tumukoy sa pagkilanlan ng gunman.

Nang suriin ang nakabulagtang bangkay ng biktima, may nakasukbit umanong patalim ito sa beywang.

Dinala ang bangkay sa  St. Rich Funeral morgue para sa awtopsiya at safe keeping.

 

Show comments