MANILA, Philippines - Bumilis ang isa pang bagyo na binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas araw ng lunes
Ayon kay Jori Loiz, weather forecaster ng PAGASA bagamat nasa labas pa ng PAR ang bagyong ‘Urduja’ sigurado na ang pagpasok nito sa bansa sa Lunes ng umaga Oktubre 21, 2013.
Sinabi pa ni Loiz na nasa dagat Pasipiko pa ang bagyong ‘Urduja’ at maaaring dumaan lamang sa bansa sa sandaling makapasok ito.
Nabatid pa ng PAGASA na ang nararanasang pag-ulan sa ilang bahagi ng Metro Manila at ilang lalawigan ng Luzon ay bunga ng hanging amihan at hindi hanging habagat .
Idinagdag pa ni Loiz na sa sandaling pumasok ng PAR ang bagyong ‘Urduja’ hindi ito magdadala ng pag-ulan dahil halos nasa itaas ito ng kaulapan at posibleng dumaan lamang ng bansa.
Gayunman, pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na magdala ng payong o pananggalang sa ulan dahil sa pabugso bugsong pagbuhos ng ulan o kaya ng jacket bilang proteksyon dahil sa malamig na simoy ng hangin.