MANILA, Philippines - Apat na katao ang dinukot ng may 20 armadong miyembro ng mga pinaghihinalaang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) kamakalawa ng gabi sa bayan ng Siasi, Sulu.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Saladin Teo, dating superintendent ng eskuwelahan; Qurliang Ngo, negosyante; Abswan Hawan at isang tinukoy sa pangalang Nal Joe.
Batay sa ulat, bandang alas-6:30 ng gabi nang dukutin ang apat sa bahay ni Teo sa Brgy. North Laud, Siasi ng lalawigan.
Ayon sa ilang nakasaksi na isinakay ang mga biktima ng mga suspek sa isang speedboat patungo sa hilagang bahagi ng karagatan ng Siasi.
Nabigo naman ang mga operatiba ng pulisya na maabutan ang mga kidnapper matapos ito ay namonitor ang presensya ng mga ito sa Brgy. Luuk Tulay, Pata ng lalawigan.
Kahapon naman ng ala-1:00 ng madaling-araw ay pinakawalan ng mga kidnapper ang dalawang biktima na sina Hawan at Joe na inabandona sa Brgy. Tagbak, Indanan na itinurn-over naman ng barangay sa mga otoridad.