MANILA, Philippines - Umakyat na sa 155 katao ang naitalang nasawi habang nasa 350 pa ang nasugatan sa naganap na 7.2 magnitude na lindol noong Martes ng umaga sa Central Visayas partikular na sa Cebu at Bohol.
Inihayag ni Bohol Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Dennis Agustin, sa kanilang lalawigan ay umaabot na sa 145 katao ang nasawi at nasa 181 naman ang naitalang sugatan.
Nabatid na ang bayan pa lamang ng Loon na pinakagrabeng napinsala ay nasa 35 katao ang naitalang nasawi matapos ang mga itong ma-trap sa isang gusali.
Iniulat naman ni Police Regional Office (PRO) VII Director P/Chief Supt. Renato Constantino na sa Cebu ay nasa 9 ang nasawi at 166 ang nasugatan at sa bayan ng Siquijor ay isa ang nasawi at tatlo ang nasugatan.
Sa ulat naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ExeÂcutive Director Eduardo del Rosario na nakaapekto sa pitong lungsod, 32 munisipalidad, 960 barangays at aabot sa 591,577 pamilya naman ang apektado rin ng delubyo o katumbas na P3,007,893 katao.
Sinabi naman ni Lt. Gen. Roy Deveraturda, Chief ng AFP -Central Command, naitala naman sa 40 katao ang nawawala sa lindol sa Bohol na kinabibilangan ng 22 sa Tagbilaran City; 3 sa bayan ng Clarin, 11 sa Loon at apat naman mula sa bayan ng Antequerra.
Naapektuhan ng lindol ang mga pangunahing highway na kung saan ay 20 tulay sa lalawigan ng Bohol ang nabitak at 18 dito ay hindi madaanan.
Kabilang sa mga tulay na hindi na puwedeng maÂdaanan ay ang Abatan Bridge sa Tagbilaran North Road, Camayaan Bridge sa Tagbilaran North Road; Cortes Bridge; Tultogan Bridge sa kahabaan ng Tagbilaran North Road sa Calape, Tagbuana Bridge sa East Road ng Tagbilaran at iba pa. Ilang tulay at highway sa Cebu ang naapektuhan din.