46-K pamilya napinsala kay ‘Santi’

MANILA, Philippines - Nasa 46,000 pamilya mula sa apat na  rehiyon sa Central Luzon ang napinsala ng bagyong ‘Santi’.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), may kabuuang 46,295 pamilya o 219,591 katao sa may 282 barangay sa 40 bayan at apat na siyudad sa 11 probinsiya ng Regions I, II, III, at IV-A ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong  ‘Santi’.

Sa nasabing bilang, nasa 1,736 pamilya ang nananatili pa sa 58 evacuation centers. Umabot naman sa 13 ang nasa­wi habang lima ang sugatan at tatlo ang patuloy na nawawala.

Naitala rin na 3,433 kabahayan ang totally damage habang 13,097 na tahanan ang bahagyang nasira.

May nasira ring mga tulay at kalsada sa Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera at Metro Manila.

Kahapon, may kabuuang 1,811 katao pa ang estranded sa mga pantalan, base sa impormasyon ipinaabot ng Philippine Coast Guard sa NDRRMC.

Kabilang dito ang bilang na 273 sa Metro Manila at Central Luzon, at 1,527 sa Central Visayas.

 

Show comments