Abusadong taxi drivers pagmumultahin

MANILA, Philippines - Isinulong ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang panukalang batas  na magiging daan upang  magkaroon ng “Taxi Passenger Bill of Rights” dahil sa tumataas na bilang ng mga abusado at balasubas na mga taxi drivers.

Sa Senate Bill 1206 na inihain ni Santiago, sinabi nito na nakakaalarma na ang mga “horror stories” na nararanasan ng mga pasahero at nalalathala sa mga social media.

Layunin ng panukala ni Santiago na mabigyan ng proteksiyon ang mga taxi passengers at magkaroon ng karampatang multa at parusa ang mga taxi driver at ang operator ng taxi cab.

Idinagdag ni Santiago na dapat masigurado na malinis, smoke free, at walang sira ang mga taxi cabs at magalang ang mga driver at dapat din aniyang matiyak na hindi idadaan ng mga taxi drivers sa mas malayong ruta o lugar ang kanilang mga pasahero.

Gagawing mandatory ang pagdi-display ng identification card ng mga taxi driver at operator nito. Isasama rin sa ipapa-display ang contact details, at maging ang ID picture.

Sa sandaling maging batas, ang mga first-time violators ay papatawan ng multang P2,000 hanggang P5,000.

Papatawan naman ng multang P10,000  sa second at third offense kabilang na ang suspension ng driver’s license sa ikatlong paglabag.

 

Show comments