MANILA, Philippines - Nagpahayag ng kahandaan ang Philippine National Police (PNP) na magsilbi bilang mga Board of Election Inspectors (BEI’s ) sa mga lugar na tinanggihan ng mga guro ang nasabing trabaho bunga ng matinding banta sa seguridad kaugnay ng gaganaping Brgy. elections sa darating na ika-28 ng Oktubre . Ayon kay PNP-Public Information Office (PNP-PIO) Chief Sr. Supt. Reuben Theodore Sindac, bilang deputado ng Comelec ay handa namang tumalima ang PNP sa anumang ipag-uutos ng komisyon.
Nabatid na nababahala ang mga guro na magsilbing BEI’s sa Maguindanao dahilan sa bantang panggugulo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) bukod pa sa iba pang mga armadong grupo ng mga naglalabang kandidato sa lalawigan. Sinabi ni Theodore, hindi ito ang unang pagkakataon na nagsilbing BEI’s ang PNP sa halip ay noong mga nakilipas na halalan sa bansa ay ginagawa na nila ang nasabing trabaho, kapalit ng mga guro.
Aniya, handa ang PNP na bigyang proteksyon ang mga guro na magsisilbing BEI’s kasabay ng paniniyak na gagawin ng pulisya ang lahat upang matiyak ang mapayapa at matiwasay na halalang pambarangay.