2 na nakipag-usap sa bebot, itinumba ng tandem

MANILA, Philippines -Kapwa nasawi habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang 33-anyos na lalaki at 15-anyos na binatilyo matapos na sila ay barilin ng isang lalaki na angkas sa motorsiklo kamakalawa ng gabi sa loob ng isang pampasaherong jeep sa Quezon City.

Ang dalawang nasawi ay kinilalang sina Ruben Reguya Jr., 33 at Adrian Villones, 15, sanhi ng mga tama ng bala sa kanilang mga katawan.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen sa kahabaan ng General Ave­nue, Barangay Toro, ganap na alas- 8:45 ng gabi ay nakita sina Reguya at Villones na nasa loob ng jeepney (TVG -275) at nakikipag-usap sa isang hindi nakikila­lang babae na agad namang umalis.

Nang ipinarada ni Reguya ang kanyang jeepney ay biglang sumulpot ang isang motorsiklo na huminto sa tabi ng jeep nito at bumaba ang backrider at pinagbabaril ang mga biktima na nasa loob ng jeepney.

Muling umangkas sa motorsiklo ng naghihintay na kasamahan ang gunman at sumibat papalayo.

Ang dalawa ay isinugod ng mga nagmamalasakit na residente sa ospital, subalit ilang oras ang nakalipas ay namatay rin ang mga ito.

Show comments