Scaffolding bumigay: 1 obrero patay, 15 sugatan

MANILA, Philippines -Nasawi ang isang obrero habang nasa 15 pang obrero ang malubhang nasugatan matapos bumigay at bumagsak ang tinutuntungan nilang “scaffolding” sa isang construction site sa Parañaque City kahapon.

Ang nasawi ay kinila­lang si Jimmy Remonde na nagtamo ng matin­ding pinsala sa katawan dulot ng pagkakabagsak at pagkakaipit sa bakal. Habang ang 15 sugatan ay dinala sa iba’t ibang  pagamutan sa lungsod na ang karamihan ay sa Olivarez Hospital.

Batay sa ulat, pasado ala-1:00 ng hapon sa construction site ng ginagawang gusali ng Premiere Hospital na nasa Sucat Road sa Brgy. San Dionisio ay abala ang mga obrero sa konstruksyon nang biglang bumigay ang tinutuntungan na bakal na scaffolding. 

Kasalukuyang iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang dahilan ng pagbagsak ng scaffolding na hinihinalang bumigay dahil sa dami at bigat ng mga manggagawa na sabay-sabay tumutuntong dito.

Show comments