Kuta pinaulanan nang bala ng militar… 4 BIFF napatay

MANILA, Philippines -Pinaulanan kahapon nang bala ng tropa ng militar ang pinagkukutaan ng mga rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa M’lang, North Cotabato at dito ay napatay ang apat na miyembro habang pito pa ang nasugatan.

Ayon kay  Capt. Antonio Bulao,  Army 602nd Brigade Civil-Military Operations Officer, bandang alas -9:30 ng umaga ay nagpakawala ng ilang rounds ng artillery fires ang Philippine Army na binomba ang kuta ng BIFF sa kagubatan ng Sitio Pedtad, Brgy. Gaunan malapit sa Liguasan Marsh ng bayang ito.

“Gumamit ng artillery, fire support,  kasi hindi basta-basta mapapasok ‘yung area, napapaligiran ng tubig,” paliwanag ni Bulao na iginiit na tama lamang ang pinakawalan nilang artillery fires upang wasakin ang depensa ng BIFF.

Ang BIFF ay ang re­negades ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sangkot sa pananabotahe at pag-atake sa tropa ng pamahalaan at ng mga instalasyon ng gobyerno sa Central Mindanao bunga ng pagtutol sa peace talks.

Matapos ang ilang  oras dakong alas-12:30 ng hapon  ay nagwatak watak ang mga rebelde na tumakas sakay ng 11 bangka patungo sa direksyon ng S.K. Pendatun sa Maguindanao at bayan ng Tulunan, North Cotabato.

Nabatid pa na dahi­lan sa pagsalakay ng BIFF rebels ay napilitang magsilikas ang nasa 30 pamilya na naninirahan sa Sitio Pedtad ng natu­rang barangay sa takot na maipit sa bakbakan.

Show comments