Utak sa Kae murder sumuko

MANILA, Philippines -Sumuko kamakala­wa kay Cavite Governor Jonvic Remulla ang itinuturong utak umano sa pagdukot at pagpatay sa advertising executive na si Kristelle “Kae” Davantes  sa Task Force Kae. 

Dakong alas-5:00 kamakalawa ng hapon nang sumuko si Jomar Pepito upang linisin ang kanyang pangalan at tinanggi na hindi umano totoong utak siya sa krimen at driver lamang umano siya ng iba pang suspek.

Sa salaysay, niyaya lamang umano siyang mag-inuman ng mga kasamahan at pagsapit sa Moonwalk Village ay big­la na lamang nagbabaan ang apat niyang kasama at sa pag-aakala niyang may rambol ay inilayo niya ang kanyang minama­nehong kulay maroon na Honda Civic (NYO-517) at inutusan umano siya ni Samuel Decimo na sundan ang isang kotse kung saan nakasakay na ang apat pa niyang kasamahan tangay si Davantes.

Hindi naman kumbinsido si TF Kae head, Chief Supt. Christopher Laxa dahil sa paiba-ibang paha­yag ni Pepito at hindi nagtutugma sa pahayag ng unang tatlong naaresto na sina Decimo, Llody En­ri­quez at Jojo Diel.

 

Show comments