MANILA, Philippines -Hindi na umabot ng buhay sa Medical Center of Muntinlupa ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) nang ito ay pagbabarilin ng dalawang lalaki sakay ng isang motorsiklo sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) Compound sa Muntinlupa City kahapon ng umaga.
Ang nasawi ay kinilalang si Col. Francisco Abonales na nagtamo ng limang tama ng bala ng kalibre .45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa ulat, dakong alas-8:00 ng umaga ay palabas ng kanyang garahe sa tinutuluyang bahay sa loob ng Vicar Village sa NBP Compound sa Poblacion, Muntinlupa ang biktima sakay ng kanyang Mitsubishi Pajero nang harangin ng dalawang lalaki lulan ng isang motorsiklo at agad itong paulanan ng bala.
Nang masigurong ng mga suspek na napuruhan nila ang biktima ay mabilis na nagsitakas habang sinaklolohan naman ng mga residente ang biktima at naisugod sa pagamutan.
Ayon sa ulat, ang biktima ay dating warden ng Sablayan Penal CoÂlony sa Mindoro ngunit na-relieved sa kanyang posisyon nitong Hunyo makaraang mapatay ang isang inmate na si Robert Ho habang nasa labas ng kulungan at namamalengke.