Frank Chavez patay na

MANILA, Philippines - Namatay na kamakalawa ng gabi si dating Solicitor General Frank Chavez, sa edad na 66,ma­tapos na ma-stroke at ma-confine sa The Medical City sa Pasig City.

Ayon kay Jean Chavez, asawa ng batikang abogado, namatay ang kanyang mister dakong alas-10:20 ng gabi at na-cremate na kahapon ng alas-2:00 ng madaling araw ang labi nito.

Ayon sa anak ni Chavez na si Stephanie, Hulyo pa nang i-confine ang ama sa ospital dahil sa lymphoma.

Sa gitna ng pagpapagamot nagkaroon aniya ng mga komplikasyon ka­bilang ang stroke na ikinamatay nito.

Pinakahuling kaso na hinawakan ni Chavez  ang child custody case ni Kris Aquino para sa anak niya sa basketbolistang si James Yap.

Nakilala si Chavez ma­tapos personal na pil­iin ni dating Pangulong Corazon C. Aquino upang maging pinuno ng Office of the Solicitor

Ge­neral (OSG) na noo’y humahabol ng mga kaso laban sa dating Pangulong Ferdinand Marcos at kanilang mga kaalyado.

Ipinanganak siya noong Pebrero 6, 1947 sa Bateria, Sagay, Negros Occidental.

Nag-aral siya ng high school sa University of Negros Occidental-Recoletos, kung saan nagtapos siya bilang salutatorian.

Kumuha siya ng kurso sa West Negros College sa Bacolod City para sa kaniyang kolehiyo at 1971 ay nagtapos siya bilang cum laude sa University of the Philippines para sa kaniyang Bachelor of Laws degree. 

Isang taon lamang matapos ang pagtata­pos sa abogasya ay pu­masa agad siya sa Philippine Bar.

Unang lumutang ang pangalan ni Chavez matapos mapabilang sa Ten Outstanding Young Men (TOYM) noong 1986.

Show comments