Trader inutas ng riding-in-tandem

MANILA, Philippines - Agad nasawi ang isang 43-anyos na si Reynaldo Arbon, negosyante matapos na barilin sa ulo ng isa sa dalawang suspek na sakay ng motorsiklo habang naglalakad pauwi sa kanyang bahay kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-9:35 ng gabi ay naglalakad ang biktima na residente ng Centro St., Sitio Mabilog, Brgy. Culiat sa kahabaan ng Abenojar St. kanto ng FFF Extension nang lapitan ng isang motorsiklo na sinasakyan ng mga suspek.

Huminto ang motorsiklo sa di kalayuan at bumaba ang angkas at nilapitan ang biktima at pinaputukan.

Nang bumagsak ang biktima ay agad na sumibat ang mga suspek.

Ayon sa pamilya na wala silang alam na may kaaway ang biktima upang maging dahilan para ito ay patayin.

Sinisilip ng pulisya kung panghuholdap ang motibo dahil sa nawawala ang dala nitong pouch bag na posibleng may pera, gayunman ang wallet at cell phone nito ay nasa katawan nito.

Show comments