2 tulak ng droga itinumba

MANILA, Philippines - Itinumba ang dalawang pinaghihinalaang drug pusher ng ka-deal ng mga ito sa kanilang ilegal na transaksiyon makaraang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa kanilang pagbebenta ng droga sa Brgy. Taglatawan, Bayugan City, Agusan del Sur kamakalawa ng hapon.

Kapwa nalagutan ng hininga sa Bayugan Community Hospital ang mga biktimang sina Kheddy Joy Algabre, 27 at Dawndi Tubo, 22 na kapwa residente ng Barangay Taglatawan sa nasabing lugar.

Ang suspek na pinaghahanap naman ng pulisya ay nakilala sa alyas na Titin, isang Maranao, tinatayang nasa pagitan ng 25-30 anyos na mabilis na tumakas matapos ang krimen.

Sinabi ni CARAGA Police Spokesman Supt. Martin Gamba, naganap ang insidente sa Purok 1-B, Brgy. Taglatawan, Bayugan City ng lalawigang  ganap na alas-2:00 ng hapon.

Sa imbestigasyon, dumating sa lugar ang dalawang biktima at isa pa na nagsilbing driver ng sinakyan ng mga itong  motorsiklo na nakipagkita sa suspek kaugnay ng transakyon ng mga ito sa bentahan ng droga.

Gayunman, nauwi sa mainitang pagtatalo ang pambabarat umano ng suspek sa binibili nitong shabu hanggang sa bunutin nito ang kanyang dalang baril at sunud-sunod na pinaputukan ang dalawang biktima.

Narekober ng mga nagrespondeng pulis sa kinaganapan ng krimen ang mga basyo ng bala ng kalibre 45 baril.

Show comments